Sara, Ang Munting Saranggola (Kwentong Pambata)

NOONG unang panahon, ang mga saranggola ay hindi ginagamitan ng tali upang makalipad sa hangin. Nakakalipad sila sa pamamagitan ng mahiwagang bato na ang tawag ay Gola. Ang mga batong ito ay may kapangyarihang palutangin ang kahit anong bagay na madikitan nito.

Dito nagsimula ang lahat…

Isang araw, isang bata na nag-ngangalang Sara ang naglalaro sa paligid ng burol. Ang burol na ito ay nasa gitna ng kanilang bayan at sa malawak na kakahuyan. Ang malawak na kakahuyang ito ay kinatatakutan ng lahat lalo na kapag sumasapit ang dilim. Sinasabi kasi ng mga matatanda na may mga halimaw na nakatira dito na nagiging dahilan upang maglaho ang sinumang tao na naglalakbay sa loob nito.

Habang naglalaro si Sara ay may napansin siyang isang dako kung saan kumikinang ang mga bato na nakapaligid dito. Paglapit niya dito ay namangha siya dahil nakita niyang lumulutang ang mga tuyong dahon na nasa paligid ng batong ito. Ito ang mahiwagang bato na tinatawag na Gola na may kakayahang magpalipad ng kahit anong bagay na madikitan nito!

Dahil sa labis na kagalakan ay kumuha siya ng ilang pirasong gola at isinuksok iyon sa kaniyang bulsa. Maya-maya lang ay naramdaman niyang lumulutang na rin pala siya sa hangin. Sinubukan pa niyang magsuksok pa ng maraming gola at sa di kalaunan ay sobrang taas na pala ang kaniyang lipad.

Habang nasa itaas ay kitang-kita niya ang kabuuuan ng burol, pati na rin ang kanilang bayan at mawalak na kakahuyan. Maganda ang kanilang bayan lalo na kung papalubog na ang araw dahil sa maliliwanag na ilaw na nagmumula sa iba’t ibang bahay na narito.

Tiningnan din niya kung ano ang mayruon sa malawak na kakahuyan at kung bakit takot ang kaniyang mga kababayan dito. Nuon niya lang napansin na unti-unting nagsusulputan ang maliliit na liwanag sa gitnang bahagi ng kakahuyan habang dahan-dahang lumulubog ang araw. Nang sumapit ang dilim ay naging makulay rin ang kakahuyan kagaya ng sa kanilang bayan.

Dahil sa pagtataka ay dahan-dahan siyang bumaba patungo sa malawak na kakahuyan. Noon niya lang napansin na ang mga liwanag pala na ito ay ang mga barbarong mananakop na may hawak na apoy upang nagsisilbing liwanag nila sa kakahuyan.

Nagulat si Sara. Ang mga halimaw pala na kinatatakutan nila ay mga tao rin na kagaya nila. Kaya pala hindi nakakabalik ang kaniyang mga kababayan ay dahil bihag ng mga barbarong ito ang mga kababayan niya.

Mabilis siyang umalis sa malawak na kakahuyan gamit ang mga gola na hawak niya at pumunta sa kanilang bayan. Kinausap niya ang kanilang pinuno at sinabi ang kaniyang nakita. Sa una ay hindi kaagad naniwala sa kaniya ang kanilang pinuno ngunit nang kaniyang ipinakita ang mga Gola na itinago niya sa likod ng kanilang bahay ay naniwala rin sa kaniya ito kasama ang mga matataas na lingkod sa kanilang bayan.

Umaksyon kaagad ang kanilang bayan at plinano ang pagsugod sa malawak na kakahuyan sa pagsikat ng araw. Alam na nila na sa umaga ay natutulog ang mga ito dahil sa gabi lamang aktibo ang mga barbarong mananakop.

Pagsapit ng umaga ay sabay-sabay na tahimik na sumalakay ang kaniyang mga kababayan sa malawak na kakahuyan upang iligtas ang kanilang mga kasamahan. Si Sara naman at ang ilang mga bata na kasinglaki niya ay lumipad sa himpapawid upang tulungan ang mga nasa ibaba.

Nailigtas nilang lahat ang mga kababayan nilang nabihag ng mga barbarong mananakop. Kasabay nito ay isa-isa nilang nilagyan ng gola ang mga barbaro habang natutulog ang mga ito. Pagkaraan ng ilang sandali ay isa-isang lumipad papalayo ang mga barbarong mananakop sa malawak na kakahuyan habang masarap na nananaginip ang mga ito.

Tuwang-tuwa ang taong bayan sa ginawa ni Sara kung kaya’t siya’y tinaguriang munting saranggola, na ang ibig sabihin ay “munting mandirigmang hangin”.

The end.

– Aking paskil para sa patimpalak ng Saranggola Blog Awards

3 thoughts on “Sara, Ang Munting Saranggola (Kwentong Pambata)

  1. Pingback: Ako naman ang magsusulat… « HIBANG {tagni-tagning ideya}

What do you think?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s